Nang Magkaroon ng Depresyon si Depresyon...
- Audrey Badillo
- Mar 10, 2019
- 2 min read
“No man is an island”
“Kailangan mo ba ng kausap?”
“Maaari bang makipagkaibigan?”
Paulit-ulit na naririnig ni Depresyon sa tuwing siya’y gumagala sa daigdig. Bawat sulok na lingunin niya, dalawang taong nagmamahalan, isang grupong nagkukulitan, pamilyang nagtatawanan. Lahat sila masaya. Lahat sila kuntento sa buhay. Lahat sila…hindi nag-iisa.
Daang taon na din ang lumilipas simula nang ipanganak siya sa sansinukob. At sa loob ng mahabang panahong ito, iba-ibang klaseng tao ang nakakasalubong niya. Sa loob din ng panahong ito, nananatili siyang mag-isa.
Kadalasan, sa tuwing siya’y nagmamasid, napapaupo siya sa sulok at napapaisip. “Ano kaya ang pakiramdam ng mayroong kaibigan?” At sa gilid ng kanyang mga mata, hindi pumapalya ang pagdaloy ng luha.
Sinubukan naman niya. Nasubukan na niyang lumapit sa mga tao. Sumugal na rin siya sa tinatawag na ‘pagkakaibigan’. Subalit, hindi niya alam kung anong awra ba o elemento ang kanyang ipinamamahagi. Dahil sa bawat paglapit niya, siyang pagpipilit lumayo ng mga tao. Dahil sa tuwing makakahanap siya ng isang taong kinaibigan din siya, may kung anong pwersang nag-uudyok sa kanila upang magpakamatay ang mga ito.
May mali ba sa kanya? Tama bang siya ang patuloy na nagkakamali?
Umiiyak din naman siya. Nasasaktan din naman siya. Namomroblema din naman siya pero bakit…bakit tila salot siya sa mundo? Tila dala niya’y maigting na bagyo o di kaya nama’y malubhang sakit?
Nagsimulang gumalaw ang mga paa ni Depresyon patungong mataas na gusali. Nakakalula. Sadyang mapanganib. Tumalon siya patungo sanang ibaba hanggang direktang kamatayan ngunit nang imulat niya ang kanyang mata, patuloy lamang ang pagliit ng mga bagay sa ibaba. Sinasampal siya ng hanging ngayo’y kasama niya.
Napabuntong-hininga si Depresyon. Bumaba siyang muli sa lupa at namakyaw ng sangkatutak na gamot pati na rin lason. Nilango niya ang kanyang sarili sa mga ito subalit…hindi huminto sa pagtibok ang kanyang puso.
Nagbigti. Nagpasagasa. Paulit-ulit na sinaksak, nilaslas, kinatay ang sarili ngunit sa bawat sugat na idinudulot niya sa sarili, mabilisan din ang paghilom nito.
“Ano baaaa?!!!!” nag-uusok na sigaw niya sa kalawakan. “Gusto ko nang mamatay!” hiyaw niyang naglalaman ng matinding kalungkutan.
Subalit, gaano man kasinsero ang kanyang paghiling. Ano-ano man ang kanyang gawing pagtatangka, siya ay isang karakter na hindi maaaring mawala. At ito. Ito ang kanyang sumpa.
Comments